MANILA, Philippines – Ang mahalagang 1-0 kalamangan ang pag-aagawan ngayon ng San Beda Red Lions at Arellano Chiefs sa pagbubukas ng 90th NCAA men’s basketball Finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakatakda ang Game One sa alas-4 ng hapon.
Tumapos sa unang dalawang puwesto ang Red Lions at ang Chiefs at hindi binitiwan ang kanilang matataas na seedings nang pabagsakin ang Perpetual Help Altas (81-75) at host Jose Rizal University Heavy Bombers (71-65), ayon sa pagkakasunod, sa Final Four.
Ito na ang ika-siyam na pagkakataon na nasa NCAA Finals ang San Beda at balak nila ang ikalimang sunod na titulo at ikawalo sa huling siyam na taon ng liga.
Sa kabilang banda, ang Arellano ay nasa kanilang unang pagkakataon na pumasok sa Finals mula nang makasali sa liga noong 2009.
Dahil dito ay paborito ang tropa ni coach Boyet Fernandez pero ayaw niyang tanggapin ang bagay na ito.
“I don’t buy that,” wika ni Fernandez na balak ang ikalawang sunod na titulo matapos hawakan ang San Beda noong nakaraang taon.
“A four-time champion is not a assurance that we have an advantage in this Finals. Arellano is a very strong team and a very good coach and it is an even match,” wika pa ng coach.
Para makaisa, dapat magtrabaho ang mga subok na sa labanan na sina import Ola Adeogun, Baser Amer, Arthur dela Cruz at Anthony Semerad.
Ang balanseng pag-atake ang kailangang mapanatili ng mga bataan ni coach Jerry Codiñera para magkaroon ng tsansang maibigay ang titulo sa Arellano.
Ito ang maaaring maging kauna-unahang title ni Codiñera bilang isang collegiate coach.