CARSON, CA – Kagaya ng inaasahan, nag-unahan sa knockout sina Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at Nicholas ‘The Axeman’ Walters ng Jamaica.
Ngunit sa huli, si Walters ang nakaiskor ng KO victory kay Donaire.
Pinabagsak ni Walters si Donaire mula sa isang overhand right sa sixth round para hirangin bilang bagong World Boxing Association (WBA) featherweight super champion dito sa StubHub Center.
Inihinto ni referee Raul Caiz, Jr. ang laban nang umalog ang mga tuhod ni Donaire matapos subukang tumayo mula sa pagkakatumba na una ang mukha sa 2:59 minuto ng sixth round.
“He deserves everything. I have no regrets,” sabi ni Donaire sa social media. “I can honestly say I trained my best and I made a lot of sacrifices this camp. I’m honored I lost to him in the fight we had. I hit him with everything I had and he just kept coming.”
Sa opening round ay hindi nagkatamaan ng solido sina Donaire (32-3-0, 21 KOs) at Walters (25-0-0, 21 KOs).
Kumonekta naman si Donaire ng ilang kombinasyon sa second round bago kumonekta si Walters ng isang right uppercut na nagpakalog sa mga tuhod ng Filipino fighter sa third round.
Ginamit ni Walters ang kanyang jab para kontrolin ang fourth round kung saan naputukan sa kanang bahagi ng kanyang ulo si Donaire.
Muling naputukan si Donaire sa kaliwang kilay sa fifth round kasunod ang looping right ni Walters sa sixth round.
Sa kanyang 122 power punches ay nakakonekta si Walters ng 41 kumpara sa 31-of-110 ni Donaire.
Sa main event, pinatumba ni Gennady Golovkin ((31-0-0, 28 KOs) si challenger Marco Antonio Rubio (59-7-1, 51 KOs) sa second round sa kanilang world middleweight championship fight.
Ito ang pang-18 sunod na KO win ni Golovkin para mapanatiling suot ang kanyang mga WBA at International Boxing Organization (IBO) middleweight titles.
Inalisan si Rubio ng WBC interim belt dahil sa pagiging overweight.