Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
1 p.m. Opening ceremonies
2 p.m. Cignal vs RC Cola-Air Force
4 p.m. Generika vs Petron
MANILA, Philippines - Papagitna ngayong hapon ang kagandahan at kahusayan ng mga foreign players na hinugot ng apat na koponan sa women’s division sa paghataw ng 2014 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix na inihahandog ng Asics sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ganap na alas-2 ng hapon ay magtatagpo ang 2013 runner-up RC Cola-Air Force at ang Cignal kasunod ang salpukan ng Petron at Generika sa alas-4.
Sina 2012 Miss Ore-gon Alaina Bergsma at Erica Adachi ng Brazil ang ibabandera ng Blaze Spikers kasama sina 6-foot-3 spiker Dindin Santiago, Carmina Aganon, Mayette Zapanta, Mary Grace Masangkay, Gretchen Ho at ang nagbabalik na si Fille Caing-let-Cayetano.
Itatapat naman ng Life Savers sina Russian import Natalia Korovkova at Japanese setter Miyuu Shinohara katuwang ang mga pambato ng De La Salle University na sina Stephanie Mercado, Abby Maraño, Michelle Laborte at Cha Cruz kasama si Michelle Gumabao.
Sa unang laro ay mag-uunahan para sa unang panalo ang RC Cola-Air Force at Cignal.
Sina veteran international campaigners Bonita Wise at Emily Brown katuwang sina Joy Cases, Judy Caballejo, Maika Ortiz at Rhea Dimaculangan ang sasandigan ng Raiders kontra kina Germans Lindsay Stalzer at Sarah Ammerman kasama sina Honey Royse Tubino, Abi-gail Praca at Jeck Dionela ng HD Spikers. (RC)