MANILA, Philippines - Nakuha ng Jazz Wild ang ikalawang sunod na panalo habang nagpasikat din ang kabayong Eurasian na nangyari noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Dan Camañero ang sumakay sa Jazz Wild na nagdomina sa 2YO conditional (winner) race na pinaglabanan sa 1,300-metro distansya.
Pinabayaan muna ni Camañero na magbakbakan sa unahan ang Gentle Whisper at Teejay’s Gold bago umatake pagpasok sa far turn.
Naghabol ang Teejay’s Gold sa pagdiskarte ni RO Niu Jr. pero lalo pang kinargahan ni Camañero ang dalang kabayo tungo sa halos apat na dipang panalo.
Paborito ang nagwaging kabayo pero nakapaghatid pa ng P12.50 sa win habang ang nadehadong forecast na 1-4 ay mayroong P194.50 dibidendo.
Wala ring naging problema ang Eurasian dahil hindi hinayaan ng hineteng si JB Cordova na makalamang ang Seni Seviyorum ni Jonathan Hernandez nang sumabay sa malakas na alis ng nagwaging kabayo.
Sa rekta ay naubos na ang Seni Seviyorum at pumalit ang Mighty Zeus sa paggabay ni Mark Alvarez pero nakaagwat na ang Eurasian ng halos tatlong dipa bagay na hindi na kinayang abutan pa ng rumeremateng katunggali.
Nakabangon ang Eurasian sa pangalawang puwestong pagtatapos sa huling takbo para makapaghatid ng P18.00 habang ang forecast na 3-1 ay mayroong P73.00 na ipinamahagi.
Lumabas bilang pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa unang gabi sa bakuran ng Phlippine Racing Club Inc. (PRCI) ay ang Sa Totoo Lang na hawak ni JL Paano.
Nagbunga ang pagbabalik kay Paano ng kabayo dahil nadugtungan ng hinete sa dalawang dikit ang pagpapanalo sa buwan ng Oktubre nang pagharian ang class division 1-A race sa 1,200-metro distansya.
Sa pagbubukas ng aparato ay umuna agad ang Sa Totoo Lang para patunayan na karapat-dapat ito sa pagiging outstanding favorite sa karera.
Sinikap ng Sovereign Lady na pahirapan ang Sa Totoo Lang nang hndi nilubayan ni jockey NK Calingasan pero kondisyon ang nanalong kabayo na hindi isinuko ang liderato sa katunggali.
Ang panalo ng apat na taong gulang na kabayo na anak ng Real Top sa Victory Task ay naghatid ng P5.50 sa win habang nasa P12.00 ang inabot ng 5-1 forecast. (AT)