Algieri ready na kay Pacquiao

MANILA, Philippines - Handa na si Chris Algieri na labanan si Manny Pacquiao kahit anumang sandali bagama’t anim na linggo pa bago ang kanilang totoong bakbakan.

Idineklara ng trainer ni Algieri na nasa pamatay na porma na ang undefeated American para sa kanyang Nov. 23 showdown kay Pacquiao sa Macau.

Sa isang artikulo sa Philboxing.com, sinabi ni trainer Keith Trimble na nakita niya ang kondis-yon ni Algieri sa kanilang training camp sa Bellmore Kickboxing Academy sa Long Island, New York.

“It’s great. He is right on point. He is in shape like usual. He is fast, strong. He is good to go,” sabi ni Trimble.

Idinagdag pa ng cornerman na maganda rin ang inilaro ni Algieri sa sparring at hindi namo-mroblema ukol sa sinasabing maagang pagpapakondisyon.

“He sparred three times. It is good. It is like we just left off from his last fight. After the first sparring session, his timing is there. He’s already getting there. He did six rounds each time with no problem. Like I said again, his conditioning is never an issue,” paliwanag ni Trimble.

Nasa kasagsagan din si Pacquiao ng kanyang paghahanda sa General Santos City kung saan niya naka-spar sina lightweight Stan Martyniouk at dating welterweight contender Mike Jones.

Ngunit inaasahang hihinto sa kanyang pagsasanay ang fighting congressman para dumalo sa pagbubukas ng PBA 40th season sa Linggo.

Sinasabing pinayagan ni Freddie Roach si Pacquiao na maglaro para sa Kia Sorentos sa opening day bago muling bumalik sa training.

Magpapatuloy naman sa kanyang paghahanda si Algieri sa Las Vegas at magtutungo sa China dalawang linggo bago ang kanilang laban.

“I’ll be out there a little under two weeks prior to the bout to get myself acclimated,” wika ni Algieri.

Show comments