MANILA, Philippines - Tinapos ng National University Bulldogs ang anim na dekadang paghihintay para makatikim uli ng kampeonato nang kanilang paamuin ang FEU Tamaraws, 75-59 sa ikatlo at huling laro sa Season 77 UAAP men’s basketball Finals sa punung-punong Smart Araneta Coliseum.
Pumalo sa 25,118 ang taong nagsiksikan para saksihan ang klasikong pagtatapos ng tagisan ng dalawang koponan na hindi napaboran na maglaban sa kampeonato ng liga.
Lumabas ang pagkagutom ng Bulldogs dahil hindi isa kungdi ang buong kasapi ng Bulldogs ang nagtulung-tulong para makuha ang titulo na kanilang ikalawa lamang sa UAAP at ang una ay nangyari noon pang 1954.
“I’m really overwhelmed,” wika ni NU coach Eric Altamirano na naging kauna-unahang fourth seed team na nanalo ng titulo sa liga. “Nagpapasalamat ako kay God for giving me this opportunity to be part of history. There is something special about this team. This team does not give up, they refuse to lose. That is the character of this team,” dagdag ni Altamirano na 5-0 kapag ang koponan ay naharap sa do-or-die game.
Gumawa ng career-high na 24 puntos (7-of-11 shooting) si Alfred Aroga bukod sa 18 rebounds at 2 blocks kahit hindi starter. Sa kabuuan, ang 6’7” rookie center ng NU ay naghatid ng 16 puntos at 13 rebounds average para kilalanin bilang Finals MVP.
Hindi nagpadaig sina Gelo Alolino, Glenn Khobuntin at Rodolfo Alejandro na naghatid pa ng 12, 10 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Tumapos si FEU guard Mike Tolomia taglay ang career-high na 23 puntos habang si Mac Belo ay naghatid ng17 puntos at 13 boards pero malamya ang ipinakita ng ibang mga kasamahan na tila naapektuhan ng isang linggong pahinga para masayang ang naipundar na 1-0 kalamangan sa best-of-three series.
Ang bench ng Tamaraws ay nilamon ng Bulldogs, 13-47 at nawala rin ang pagiging agresibo ng koponan sa pagkakaroon lamang ng 14 free throws at kalahati lang ang kanilang naipasok. (AT)
NU 75 – Aroga 24, Alolino 12, Khobuntin 10, Alejandro 10, Neypes 8, Rosario 6, Diputado 5.
FEU 59 – Tolomia 23, Belo 17, Dennison 6, Cruz 4, Jose 4, Iñigo 3, Hargrove 2.
Quarterscores: 20-18, 30-26, 55-44, 75-59.