MANILA, Philippines - Naniniwala ang hard-court warrior na si Asi Taulava na dapat na silang manalo ng kanyang kaibigang si Mac Cardona ng PBA crown matapos makakuha ng isa habang naglalaro sila sa Talk ‘N Text.
Umaasa si Taulava na magagawa nila ito ni Cardona sa paglalaro para sa NLEX Road Warriors sa PBA Season 40 na magbubukas sa Linggo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Babanderahan nina Taulava at Cardona ang NLEX na ipinakilala sa piling media sa C3 Event’s Place sa Greenhills, San Juan noong Lunes ng gabi.
Nasa NLEX ang core group ng Air21 Express.
“I have big expectations for this team,” sabi ni Taulava, pinamunuan ang kampanya ng Air21 sa nakaraang season, sa solidong suporta ni MVP Group top boss Manny V. Pangilinan.
Hindi pababayaan ng NLEX management na ma-ging isang ‘whipping boy’ lamang sa liga ang Road Warriors.
Sa pagbili sa Air21 franchise ay nakuha ng NLEX sina Taulava, Cardona, Aldrech Ramos, Jonas Villanueva, Wynne Arboleda, Eliud Poligrates, Eric James Camson at Mark Borboran.
Sa kanilang off-season buildup, hinugot ng Road Warriors sina rookies Juneric Baloria, Harold Arboleda, John Byron Villarias, Jeckster Apinan, Raul Soyud at trade acquisition KG Canaleta.
“We’re happy with what we’ve got. We’re happy with our mix of young and experienced talents whom we believe have developed a good chemistry,” sabi ni coach Boyet Fernandez.
Hindi pa magagabayan ng one-time PBA champion coach ng Sta. Lucia Realty ang Road Warriors habang siya ang bench chieftain ng San Beda Red Lions sa 90th season ng NCAA.
Kasama ni Fernandez sa kanyang coaching staff sina Adonis Tierra, Jojo Lastimosa, Alex Arespacochaga, Raymund Celis, Claiford Arao, Gino Manuel at Jay Serrano.