Labanan ng mga taekwondo champs
MANILA, Philippines – Labanan ng mga kampeon ang magiging tema ng 2014 Smart MVP Best of the Best Taekwondo Championships na gaganapin sa October 18-19 sa SM Fairview.
Maglalaban-laban ang mga blackbelters mula sa 12 regions kabilang ang ARMM, CAR, CARAGA at National Capital Region sa dalawang araw na torneo.
Ayon kay tournament director Jesus Morales III, many-time national coach, tanging ang mga gold medalists sa Luzon, Visayas at Mindanao national events, UAAP, NCAA, AFP-PNP Olympics, lahat ng PTA (Philippine Taekwondo Association) tournaments sa Metro Manila at mga pa-torneo ng Taekwondo Blackbelt Brotherhood at Taekwondo Blackbelt Sorority at ang mga kabilang sa Philippine national team, ang maaaring sumali.
May 600 senior at junior male at female ang inaasahang sasali sa iba’t ibang Olympic weight categories.
Para maiwasan ang human error at masiguro ang accurate, fair scoring at spectator-friendly matches, gagamitin ang officiating system ng taekwondo na kinabibilangan ng PSS (protective scoring system) at ESS (electronic scoring system), electronic armors at socks at IVR (instant video replay) sa pagbilang ng puntos na makikita sa monitoring screen.
Muling sinuportahan ng numero unong sports patron ng bansa na si Smart Communications at PLDT chairman Manuel V. Pangilinan ang PTA tournament na ito na may ayuda mula sa Smart Communications Inc., MVP Sports Foundation, PLDT, TV5 at Meralco.
- Latest