Malapit nang maubos ang tickets sa PBA opening
MANILA, Philippines – Kumpiyansa si Commissioner Chito Salud na aabot sa 50,000 fans ang dadagsa sa pagbubukas ng 40th season ng Philippine Basketball Association sa Linggo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ito ay matapos makumpirmang 80 porsiyento ng mga tiket ay nabili na para sa nasabing PBA opening day na magtatampok sa inaasahang paglalaro ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ang 5-foot-6 na si Pacquiao ang playing coach ng Kia Sorento na sasagupa sa Blackwater kasunod ang salpukan ng Barangay Ginebra at Talk ‘N Text.
“I have been informed that 80 percent of the ve-nue tickets have been sold, translating to some 35k fans already confirmed to attend,” sabi ni Salud sa isang statement. “This is a huge number by any measure that can only become bigger as we get closer to opening day.”
Ang Philippine Arena na ipinatayo ng Iglesia ni Cristo ay isang 55,000-seater venue.
Ang naunang record ng PBA sa gate attendance ay 24,883 sa Game Seven ng 2014 PBA Phi-lippine Cup semifinals series sa pagitan ng Gin Kings at San Mig Coffee Mixers sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ay nalampasan ng 24,896 fans na sumaksi sa Game Two sa kasaluku-yang 77th UAAP finals ng National University Bulldogs at Far Eastern University Tamaraws sa Big Dome noong nakaraang Miyerkules.
Sinabi ni Salud na ang pagdagsa ng mga basketball fans ay dahil na rin sa kagustuhan nilang mapanood sa hardcourt ang Filipino boxing superstar na si Pacquiao.
Naiulat na pinayagan na ni chief trainer Freddie Roach ang 35-anyos na si Pacquiao na maglaro ng lima hanggang anim na minuto para sa kanyang PBA debut.
Kasalukuyan ding pinaghahandaan ng Sarangani Congressman ang kanyang pagtatanggol sa suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay American challenger Chris Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
- Latest