MANILA, Philippines - Ang solong liderato ang target ng Instituto Estetico Manila Volley Masters na masilo sa men’s division, habang sososyo sa liderato sa women’s category ang nakataya sa PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa pagbabalik-laro ng Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Unang sasalang ang IEM kontra sa Rizal Technological University Blue Thunders sa ganap na alas-4 ng hapon at balak lumayo ng una sa Systema Active Smashers at FEU Tamaraws na magkasama sa ikalawang puwesto sa magkatulad nilang 1-1 baraha.
Lahat ng naunang mga laro sa kalalakihan sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s ay umabot sa limang sets at ang IEM ay nakakuha ng panalo matapos pataubin ang Systema.
Paborito ang IEM dahil sa taglay nilang karanasan laban sa RTU na yumukod sa Tamaraws sa unang laro.
Makakasalo ang Turbo Boosters sa pahingang Army Lady Troopers kung manaig sa Cagayan Valley Lady Rising Suns sa ikalawang laro sa alas-6 ng gabi.
Bagama’t walo lamang ang nasa line-up ni coach Roger Gorayeb ay nagawa pa rin nilang higitan ang larong ipinakita ng Meralco Power Spikers sa 3-0 sweep patungo sa unang panalo sa ligang may suporta pa ng Accel at Mikasa.
Ang mga beteranang sina Sue Roces, Gretchel Soltones, Charo Soriano, Ryzabelle Devanadera, Angela Benting, Lau Ann Latigay, Rubie de Leon at liberong si Lizlee Ann Pantone ang mga hahataw muli para sa PLDT at patatagin ang paghahabol ng koponan sa puwesto sa Finals ng torneo.