Game 3 ng FEU-NU finals sa Araneta

MANILA, Philippines - Sa Smart Araneta Co-liseum gagawin ang klasikong huling pagtutuos sa pagitan ng National University Bulldogs at FEU Tamaraws para sa UAAP Season 77 men’s basketball title.

Nagdesisyon ang pamunuan ng liga na sa Big Dome isagawa ang huling laro na itinakda sa Miyerkules (Oktubre 15) sa ganap na ika-4 ng hapon base sa naunang napagkasunduan ng UAAP at ng Araneta.

“Araneta Coliseum invoked its right as stipulated its contract with the UAAP that “two of a possible three games (in the Finals) will be played at the Big Dome,” wika ng statement mula sa UAAP.

Naunang naghabol ang Mall of Asia Arena  para dito isagawa ang bakbakan matapos gawin ang Game One sa nasabing palaruan sa Pasay City.

Pero hindi maaaring balewalain ang kontratang pinirmahan ng liga sa Big Dome kaya’t ito ang namayani.

Ang kaunting gusot sa venue ng Game Three ang nagdagdag pa sa mga di inaasahang pangyayari sa championship series na ito.

Naunang pinangambahan na hindi gaanong tatauhin ang best-of-three series dahil hindi kabilang sa lalaban sa titulo ang alinman sa Ateneo Eagles at La Salle Green Archers.

Ang dalawang koponang ito ay umabot sa Final Four pero hindi lumusot sa NU at FEU.

Mahigit 16,000 ang nanood sa Game One sa MOA Arena na napanalunan ng Tamaraws, 75-70, pero dinagsa ang Game Two sa record crowd na 24,896 at nanaig ang Bulldogs sa 62-47 iskor.

Tiyak na mas magsisiksikan ang mga manonood para makita kung sino ang kikilala-ning pinakamahusay na koponan ngayong taon sa men’s division.

Balak ng FEU na palawigin sa 20 ang titulong napanalunan na sa liga habang ikalawa lamang ito sa panig ng NU at ang una ay nangyari noon pang 1954. (AT)

Show comments