Algieri mauuna nang pumunta ng China

MANILA, Philippines - Para masanay kaagad sa klima ay uunahan ni American challenger Chris Algieri si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao na magtungo sa China.

Ayon kay Algieri, sa katapusan ng kasalukuyang buwan ay bibiyahe na sila ng kanyang grupo patungong Macau, China kung saan niya hahamunin si Pacquiao sa Nobyembre 22 sa The Venetian.

“Couple of weeks from now we’ll be headed to China and get ready to make some history,” sabi ni Algieri, kumpiyansang maaagaw kay Pacquiao ang hawak nitong World Boxing Organization (WBO) welterweight crown.

Aminado ang 5-foot-10 na si Algieri (20-0-0, 8 KOs) na malaki ang kanyang agwat sa 5’6 na si Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) kung ang eksperyensa sa boxing ang pag-uusapan.

“The experience level is definitely something to think about and is very difficult to prepare for,” wika ng 30-anyos na si Algieri sa 35-anyos na si Pacquiao.

Sinimulan ni Pacquiao ang kanyang professional career noong 1995 o 13 taon bago ang pro debut ni Algieri noong 2008.

Kinuha ni Bob Arum ng Top Rank Promotions si Algieri para itapat kay Pacquiao matapos nitong talu-nin si Ruslan Provodnikov at agawin ang WBO light welterweight title ng Serbian fighter noong Hunyo.

Tatanggap si Algieri ng kanyang career-high purse na $1.5 million purse para sa kanyang laban kay Pacquiao.

Bilang paghahanda kay Algieri ay kumuha si chief trainer Freddie Roach ng matatangkad na sparmates para kay Pacquiao.

Ito ay sina 5’10 Stan ‘The Man’ Martyniouk (13-2-0, 2 KOs) at 5’11 Viktor Postol (26-0-0, 11 KOs) na nakatakdang dumating kahapon. (RC)

Show comments