MANILA, Philippines – Dumating na sa bansa ang lahat ng 12 reinforcements para patunayang hindi lamang ganda ang kanilang maipapakita sa Philippine Superliga (PSL) Grand Prix na hahataw sa Oktubre 18 sa Smart Araneta Coliseum.
Sa pangunguna ni Miss Oregon Alaina Bergsma, inaasahang aagaw ng atensyon ang bagong grupo ng mga imports sa premiere inter-club volleyball tournament sa bansa na may basbas ng Philippine Volleyball Federation (PVF), Asian Volleyball Confederation (AVC) at ng International Volleyball Federation (FIVB).
Ang 6-foot-3 na si Bergsma ang perpektong pagpapatunay sa ganda at lakas nang pangunahan ang United States volleyball squad sa ilang international tournaments habang kinakatawan ang Oregon noong 2012 Miss USA-Universe kung saan niya nakuha ang Miss Photogenic Award.
Makakatuwang ni Bergsma si Brazilian setter Erica Adachi, inaasahang magpapaalala kay Leila Barros dahil sa kanyang pamumuno at kagandahan, para sa Petron Blaze Spikers.
Sinabi ni Ramon Suzara, ang president at CEO ng nag-oorganisang Sports Core, na ito ang pinakamagagaling at pinakamagagandang grupo ng mga reinforcements na nahugot sa pamamagitan ng International Transfer System na ipinatutupad ng FIVB.
“We want to treat fans to a higher level of competition,” sabi ni Suzara, ang chairman din ng Asian Volleyball Confederation Development Committee at dating coach ng national volleyball team.
Inaasahan ring pupukaw ng atensyon si Cincinnati hitter Bonita Wise, isang kilalang campaigner sa European circuit na ipinanganak sa Pilipinas dahil ang kanyang amang si Francois ay dating naglaro sa Philippine Basketball Association (PBA) bilang import noong 1980s.
Magbabalik naman si spiker Kaylee Manns kasama si Kristy Jaeckel, isang 23-anyos na hitter na nagbida sa NCAA Division I para sa Florida Gators.
Babandera naman sina German sensations Lindsay Stalzer at Sarah Ammerman para sa Cignal katulong ang Russian tandem nina Elena Tarasova at Irina Tarasova.
Ipaparada naman ng Generika si Russian reinforcement Natalia Korobkova katuwang si setter Miyuu Shinohara ng Japan.