MANILA, Philippines – Naipamalas uli ng Imcoming Imcoming ang galing sa race track nang manalo sa sinalihang karera noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Pat Dilema ang may hawak sa dalawang taong filly na pag-aari ni Patrick Uy at hindi naubos ang tambalan sa hamong ibinigay ng Gentle Whisper ni CM Pilapil.
Ang panalo ay ikalawa sa tatlong takbo at sa rekta umarangkada ang nanalong kabayo para magwagi ng halos tatlong dipang agwat sa meta.
Paborito ang Imcoming Imcoming para makapaghatid ng P6.00 sa win habang nasa P28.00 ang forecast na 5-9.
Nakadalawang sunod na panalo si Dilema sa hanay ng mga dalawang taong kabayo dahil naipanalo pa niya ang Mr. Minister sa race two.
Patok din ang nasabing kabayo at sinakyan ang maagang pagtrangko ng Pagsanjan Falls bago humataw sa rekta tungo sa halos apat na dipang panalo.
Balik-taya ang ibinigay sa win (P5.00) habang nasa P13.00 ang ibinigay sa 4-2 forecast.
Isa pang patok na kabayo na kuminang ay ang High Voltage na nagwagi sa class division 2 sa 1,200-metro distansya.
Si JB Cordova ang sumakay sa limang taong kabayo na anak ng Quaker Ridge at Tatler Cover at walang epekto ang 58-kilos handicap weight na ipinataw sa tambalan matapos ang pitong dipang panalo sa Damong Ligaw.
Nasa P5.00 ang dibidendo habang ang 11-7 forecast ay may P35.50 na ipinamahagi.
Ang longshot sa huling araw ng pista sa nagdaang linggo ay ang Jetsun sa class division-1B karera sa mas mahabang 1,300-metro distansya.
Si R Tablizo ang humawak pa rin sa apat na taong filly na ginamit ang balya para makahabol sa mga nasa unahan.
Ang Spyker, Windy Wind at Monte Napoleone ang mga naglaban sa liderato sa pagbubukas ng aparato hanggang sa far turn. (AT)