Isang gold medal, tatlong silver at 11-bronze.
‘Yan ang tinapos ng 150 atletang ipinadala ng Pilipinas sa katatapos lamang na Asian Games sa Incheon South Korea.
Marami ang naghahangad ng mas higit pa dito pero ‘yan lang talaga ang nakayanan.
Kinabahan na ang lahat na baka wala tayong makuhang gold medal nang isa-isang nalagas ang mga ipinanlaban ng Pinas sa quadrennial meet pero mabuti na lang at nagdeliber ang BMX rider na si Daniel Caluag, 3-araw na lang ang natitira sa kompetisyon.
Ipinagbunyi ang gold medal ni Caluag na may katapat na P1 milyon bilang insentibo. Dinagdagan pa ito ng P500,000 ng MVP Sport Foundation at P100,000 ng LBC.
Ang target ay malampasan ang tatlong gintong medalya na nakuha sa 2010 Asian Games.
Naabot sana ito kung hindi natapat ang mga boxers na sina Mark Anthony Barriga at Ian Clark Bautista sa mga pambato ng host country na Korea na naging biktima ng hometown decision.
Kung hindi man nakasapat sa tatlong gold na target, hindi lang sana isa ang ating gold medal.
* * *
Base sa final medal tally, ang dating tinatalu-talong Myanmar ay nakapag-produce ng apat na medalya lamang malayo sa 15 medals ng Pinas. Pero dalawa sa produksiyon ng Myanmar ay mga gold medals.