Marquez lalaban pa sa susunod na taon

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Mexican world four-division titlist Juan Manuel Marquez ang pag-akyat niyang muli sa boxing ring sa susunod na taon.

Ngunit hindi niya sinabi kung isa sa mga gagawin niyang laban ay kontra sa karibal na si Filipino world-eight division champion Manny Pacquiao.

“I don’t know. That would be up to Juan Manuel,” sabi ni Fernando Beltran, ang promoter ng 41-anyos na si Marquez, sa panayam ng RingTV.com. “Obviously, that’s his decision, but he would like to come back sometime early next year. There are a lot of fighters out there for him.”

Si Marquez (56-7-1, 40 KOs) ang huling tumalo kay Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) nang patulugin ang Sarangani Congressman sa huling segundo ng sixth round sa kanilang ikaapat na paghaharap noong Dis-yembre ng 2012.

Tinangka siyang hikayatin ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na gawin ang Pacquiao-Marquez V ngunit tumanggi ang Mexican fighter.

Sinabi ni Marquez na gusto niyang iwanan sa isipan ng mga boxing fans sa buong mundo ang ginawa niyang pagpapabagsak sa 35-anyos na si Pacquiao.

Umaasa si Beltran na magbabago ang isip ni Marquez na naghahangad na maging kauna-una-hang Mexican boxer na nagkampeon sa limang magkakaibang weight divisions.

Ang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown ni Pacquiao ang maaaring puntiryahin ni Marquez para matupad ang kanyang pangarap, ayon kay Beltran.

Nakatakdang idepensa ni Pacquiao ang kanyang WBO belt laban kay American challenger Chris Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.

Noong Mayo huling lumaban si Marquez nang talunin niya si Mike Alvarado. (RC)

Show comments