Sumalang na si Coach Manny

MANILA, Philippines - Hindi man siya nakarating sa 2014 PBA Rookie Draft noong Agosto 24 ay tiniyak naman ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao na makakalaro siya para sa kanyang Kia Sorento sa unang pre-season game ng PBA.

Sa loob ng 10 minuto at 24 segundo ay nagposte ang 5-foot-6 na si Pacquiao ng 1 point, 1 rebound at 2 turnovers sa 77-88 pagyukod ng kanyang Kia laban sa Blackwater Sports noong Sabado ng gabi sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.

Ang nasabing puntos ng playing coach na si Pacquiao, ipinasok ang sarili sa laro sa 9:45 minuto sa second period, ay mula sa kanyang ikalawang free throw.

Ito ang unang professional basketball game ng 35-anyos na si Pacquiao, hinirang na No. 11 overall pick ng Kia sa 2014 PBA Rookie Draft.

Inamin ni Pacquiao na iningatan niya ang kanyang sarili sa naturang pre-seaon game.

Itataya ni Pacquiao ang kanyang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay American challenger Chris Algieri sa The Venetian sa Macau, China sa Nov. 22.

Tiniyak ni Pacquiao na maglalaro siya sa pagbubukas ng 40th season ng PBA sa Oktubre 19 kung saan makakasagupa ng Kia ang Blackwater, habang magtatapat naman ang Barangay Ginebra at Talk ‘N Text sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Inaasahan ni Pacquiao na makakapasok ang Kia sa semifinal round ng 2014 PBA Philippine Cup na idedepensa ng Grand Slam champions na San Mig Coffee.

“Ine-expect natin na ma­kapasok tayo, kahit na semifinals lang,” sabi ni Pacquiao sa Kia.

Umiskor si dating Far Eastern University forward Reil Cervantes ng 23 points para pamunuan ang Kia kasunod ang 10 ni Chad Alonzo habang kumamada si Alex Nuyles ng 18 markers sa panalo ng Elite ni coach Leo Isaac.

Samantala, tinalo ng NLEX Road Warriors ang San Mig Coffee, 84-81, sa isa pang pre-season match.

 

Show comments