IEM panalo agad sa unang salang

MANILA, Philippines - Naitala ng Instituto Estetico Manila Volley Masters ang unang panalo sa pagsibol ng men’s volleyball sa Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference sa mahigpitang 17-25, 25-19, 25-18, 20-25, 15-12 tagumpay sa Systema Active Smashers kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Sinandalan ng Volley Masters ang talento ni Jason Canlas sa deciding fifth set para makumpleto ang pagbangon mula sa pagkatalo sa unang set tungo sa unang panalo sa apat na koponang liga na inorganisa ng Sports Vision na suportado ng Shakey’s at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.

Apat na krusyal na puntos ang ginawa ni Canlas para isantabi ang 8-6 kalamangan ng Active Smashers.

Ang kanyang block na nasundan ng dalawang kills ang nagpasiklab sa 6-0 bomba para sa 12-8 bentahe.

Binawi ng Systema ang tatlong puntos para dumikit sa isa pero ang service error ng Systema na sinundan pa ng matinding kill ni Canlas ang nagbigay ng triple match-point.  Kumawala ng kill si Christopher Antonio pero nasundan ito ng malakas na spike galing kay Patrick John Rojas para matapos ang laro na inabot ng dalawang oras at limang minuto.

“Hindi pa kami masyadong magkakakilala dahil dalawang ensayo pa lamang ang nangyari sa amin. Pero ang maganda ay nakuha namin ang resultang nais namin,” wika ni Canlas na may 13 kills, dalawang blocks at isang ace.

Naglalaro pa ang Phil. Army at Meralco sa wo-men’s division as of presstime kagabi.

 

Show comments