May patutunayan ang Lady Troopers

Laro NGAYON

(The Arena, San Juan City)

4 p.m. – IEM vs Systema (Men’s)

6 p.m. – Army vs Meralco (Women’s)

 

MANILA, Philippines - Patutunayan ng Army Lady Troopers na kaya nilang sumabay sa mga katunggaling may mga dayuhang manlalaro sa pagbubukas ng Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.

Katipan ng Open Conference champion Army ang Meralco Power Spi-kers at ito ay mapapanood dakong alas-6 matapos ang makasaysayang labanan ng IEM at Systema sa kalalakihan sa ganap na ika-4 ng hapon.

Nagdesisyon ang pamunuan ng nagpapatakbo ng liga na Sports Vision na isabay na sa third conference ang kauna-una-hang men’s division dahil ramdam nina president Ricky Palou at chairman Moying Martelino ang suporta sa kalalakihan.

Tig-apat na koponan ang magsusukatan sa men’s at women’s division at ang collegiate teams na FEU Tamaraws at ang RTU Blue Thunder ang kukumpleto sa kalalakihan habang ang Cagayan Valley Lady Rising Suns at PLDT Home Telpad Turbo Boosters ang bubuo sa kasali sa kababaihan.

Magbabalik sa Army ang MVPs ng liga na sina Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis, Nerissa Bautista, Mary Jean Balse at setter Tina Salak, pero may dagdag-puwersa ang koponan sa pagpasok ni 6’2” Dindin Santiago para magkaroon pa ng ma-lakas na spiker ang tropa ni coach Rico de Guzman.

Nagpalakas din ang Power Spikers sa paghugot kina dating La Salle hitters Abigail Maraño, Stephanie Mercado at Maureen Penetrante-Ouano.

Nasa koponan din sina Maica Morada, Zharmaine Velez at mahusay na libero na si Jennylyn Reyes at pinatatag ang puwersa sa paghugot kina Wanida Kotruang ng Thailand at Misao Tanyama ng Japan bilang mga imports.

Mahalaga ang bawat laro sa ligang may ayuda pa ng Mikasa at Accel dahil double round ang elimination at ang mangungunang dalawang koponan ang siyang magsasagupa para sa titulo. (AT)

 

Show comments