MANILA, Philippines - Bago pa man magsimula ang aksiyon sa Incheon, malinaw na ang labanan sa 17th Asian Games ay para sa ikalawang puwesto na lamang.
Nagtapos ang 16-araw na aksiyon kung saan naglaban-laban ang 9,500 atleta mula sa 45 bansa kahapon.
Sa final medal tally 1/3 ng kabuuang 439 medals na pinaglabanan sa 36 sports ay napunta sa China na may 151 gold medals bukod pa sa 108 silver at 83 bronze para sa kabuuang 342.
Malayung-malayo ang pumangalawang host country na South Korea na may 79-71-84 gold-silver-bronze medals na nakolekta kasunod ang Japan na may 47 gold, 76 silver at 77 bronze medals.
Kahit pagsamahin ang produksiyon ng South Korea at Japan ay hindi pa rin ito aabot sa China.
May biru-biruan na hindi na dapat sumali ang China sa Asian Games dahil ito lang ang paraan para magkaroon ng balanseng kompetisyon.
Sa 150 athletes ng Pinas na inilaban sa 26 sport, may isang gold medal lamang ang Team Philippines mula kay BMX rider Daniel Caluag bukod pa sa 3-silvers at 11 bronzes.
Ang Pinas ay kabilang sa 8-bansa na nanalo ng isang gold medal lamang kasama ang Vietnam, Pakistan, Iraq at United Arab Emirates. May kabuuang 17 ang uuwing walang gold kasama ang Macau, Jordan, Bangladesh, Lebanon, Cambodia, Laos, Brunei at Timor Leste.
Sa mga Southeast Asian countries, nagtapos ang Pinas sa likod ng Thailand (12-7-28), Malaysia (5-14-14), Singapore (5-6-13), Indonesia (4-5-11), Myanmar (2-1-1) at Vietnam (1-10-25).