MANILA, Philippines - Nakatikim din ng panalo ang kabayong Pusang Gala na nangyari noong Huwebes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ito ang ikalawang opisyal na takbo ng nasabing kabayo matapos isali sa Novatos noong Hulyo 15 at nakasilat ang kabayong diniskartehan ni jockey AR Villegas sa mga mas pinaborang SI Rookie at The Scheduler.
Ang karera ay isang 2YO Maiden A & B at pinaglabanan sa 1,300-metro distansya at ang SI Rookie na ginabayan ni Jonathan Hernandez ang nakauna habang naghabol agad ang The Scheduler na sakay ni Pat Dilema.
Habang nagbabakbakan ang dalawang patok na kabayo ay nagpainit sa ikaapat na puwesto ang Pusang Gala at kumilos lamang ito pagpasok ng far turn.
Inilabas pa ni Villegas ang kabayo at bumuka papasok sa home stretch pero kinabig agad ng hinete ang kabayo at sa huling 75-metro ay inabot ang SI Rookie bago iniwanan ng halos dalawang dipa sa meta.
Naubos ang The Scheduler dahil pumang-apat lamang ito kasunod ng Themanwhoneverlied ni Fernando Raquel Jr.
Napaganda pa ang win sa P16.00 dibidendo habang ang forecast na 7-5 ay naghatid ng P57.50 dibidendo.
Nakasingit ang Green Lover na siyang lumabas bilang long shot sa gabi na dinomina ng mga paboritong kalahok.
Si RO Niu Jr. ang siyang pinagdiskarte sa kabayo sa class division 1B race at hindi naman napahiya ang hinete dahil naihatid niya sa di-inaasahang panalo ang sakay sa 1,300-metro karera.
Ang Dancing Rags ang siyang paborito pero malayong second favorite ang Green Lover ngunit malakas ang pagdating nito para manalo sa tagisan sa rematehan.
Tila nakaapekto sa diskarte ni RC Tabor sa Dancing Rags ang paglutsa ng Color My World sa kaagahan ng karera.
Kinailangang kargahan agad ang paboritong kabayo at nang pumalit ang Green Lover ay hindi na makasabay sa malakas na pagdating para matalo ng halos dalawang dipa.
Nagkamit ng P30.00 ang mga nanalig sa Green Lover habang ang 4-7 forecast ay may P37.00 dibidendo.
Ang iba pang nanalo ay ang Favorite Chanel sa race two, Dandino sa race three, Panamao King sa race four, Biodata sa race five, Queen Of Class sa race six at Magatto sa race seven. (AT)