MANILA, Philippines - Nasulit ang pagbibigay ng karangalan ni Daniel Caluag sa Pilipinas sa Asian Games nang bumuhos ang pinansyal na insentibo sa kanyang harapan.
Sina PSC commissioner Salvador Andrada at Jolly Gomez ang siyang kumatawan sa ahensya para iaabot ang P1 milyon tseke kay Caluag bilang insentibo mula sa pamahalaan base sa Republic Act 9064.
Naghatid si Caluag ng kaisa-isang gintong medalya sa Team Philippines nang pagharian ang paboritong BMX cycling.
Ngunit ang seremonya na ginawa kahapon sa PSC Athletes Dining Hall sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila ay nagkaroon ng mga sorpresa dahil inanunsyo ni PhilCycling president at Tagaytay City Representative Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang dagdag na P500,000.00 galing sa MVP Sports Foundation na pinatatakbo ni sportsman/businessman Manny V. Pangilinan.
Dumalo rin si Mo Chulani ng Team LBC Cycling para ipaabot ang kanilang ambag na P100,000.00 premyo.
“You know right now I don’t know. I’m so excited about the win and I really haven’t thought about it,” wika ni Caluag sa plano sa P1.6 milyong gantimpala na ibinigay sa kanya.
Ang tiniyak lamang ng 27-anyos London Olympian ay magpapatuloy siya sa pagkatawan sa Pilipinas kahit magiging abala na rin sa pag-aalaga sa kanyang anak na babae na si Sydney Isabella na isinilang ng asawang si Stephanie dalawang araw bago siya tumulak patungong Incheon.
Bago nagkaanak, si Caluag ay hindi lamang isang BMX rider kungdi isa ring oncology nurse (cancer patients nurse) sa University of Kentucky.
“I want to be the best I can be since I was in grade school until college and I continued that habit. With my little girl now, I want the best for myself which will also be the best for her,”ani Caluag.
Dumalo rin ang coach na si Greg Romero, ang kapatid na si Christopher at national at LBC coach Chris Allison sa pagtitipon na tumagal ng mahigit isang oras at pagkatapos nito ay tumulak ang grupo patungong Malacañang para sa courtesy call kay Pangulong Aquino III.
Kinagabihan ay bumalik na si Caluag sa US upang ipagdiwang ang karangalan kasama ang mahal niyang asawa at anak. (AT)