12-imports sa PSL Grand Prix sa Oct. 18

MANILA, Philippines - Inaasahang hahatak ng mga manonood ang 12 dayuhang reinforcements sa Philippine Superliga (PSL) Grand Prix na hahataw sa Oktubre 18 sa Smart Araneta Coliseum.

Pangungunahan ng isang volleyball player na minsang sumali sa isang major beauty pageant  na may taglay na killer spike at matamis na ngiti na si Miss Oregon Alaina Bergsma ang 12-dayuhang sasabak sa premiere inter-club volleyball tournament na may basbas ng Philippine Volleyball Federation (PVF), Asian Volleyball Confederation (AVC) at ng International Volleyball Federation (FIVB).

Maglalaro ang 6-foot-3 na si Bergsma, naging kandidata noong 2012 Miss USA Pageant at dating miyembro ng USA women’s volleyball squad, katuwang si setter Erica Adachi ng Brazil para sa Petron na hangad makapasok sa finals matapos mabigo sa nakaraang komperensya sa kabila ng pagpaparada kay top rookie Dindin Santiago.

Bukod kay Bersgma, matutunghayan din sa torneo si Cincinnati hitter Bonita Wise, makikipagtulungan kay dating Kansas star Emily Brown para sa RC Cola.

Ang ama ni Wise ay ang dating PBA import na si Francois, habang ang kanyang nakababatang kapatid na si Eric ay kumampanya para sa Barako Bull sa 2013 PBA Governor’s Cup.

Muli namang magbabalik sa bansa si spiker Kaylee Manns para sa rookie team na Puregold.

Napanood ang 26-anyos na si Manns, may malawak na international volleyball experience, sa PSL noong nakaraang taon at makakatulong niya si dating Florida star Kristy Jaeckel.

Ipaparada ng bagong koponan sina German sensations Lindsay Stalzer at Sarah Ammerman, samantalang hinugot ng Cignal sina Russians Elena Tarasova at Irina Tarasova.

Magpaparada rin ang Generika ng Russian reinforcement sa katauhan ni Natalia Korobkova na makakasama ni setter Miyuu Shinohara ng Japan na siyang pinakabatang import sa edad na 19-anyos.

 

Show comments