INCHEON, Korea -- Nakasiguro na ng silver medal si boxer Charly Suarez habang ang tatlo pa niyang kasama ay nakuntento sa bronze medal para sa Team Philippines sa papatapos nang 17th Asian Games.
Ginamit ni Suarez ang malawak na karanasan para isantabi ang hamon ni Mohammad Mustafa Alkasbeh ng Jordan, tu-ngo sa 2-1 panalo (30-27, 30-27, 28-29) sa men’s 60kg semifinals sa Ganghwa Dolmens gymnasium na nagbigay ng pag-asa sa Pinas na madagdagan ang gold medal ni BMX rider Daniel Caluag.
Matatapos ang boxing ngayon at kalaban ni Suarez si Otgondalai Dorjnyambuu ng Mongolia para sa gintong medalya.
“This is a good sign. Suarez is just one win away from the gold. If he sustain the momentum and keep his excellent fighting form, there’s no doubt he will win the gold,” sabi ni PSC chairman at Chief of Mission Richie Garcia.
Bigo naman sina London Olympian Mark Anthony Barriga, Mario Fernandez at Wilfredo Lopez sa kanilang mga semifinal matches para makontento sa bronze medals.
Nagawang saktan ni Barriga si Jonghun Shin ng host Korea pero ibinigay ng tatlong hurado ang 3-0 panalo (29-28, 30-27, 29-28) sa light flyweight division.
Lutang naman ang kalidad ng beteranong si Jiawei Chang ng China para sa 3-0 panalo (29-28, 29-28, 29-28) kay Fernandez sa bantamweight division.
Bigo rin si Lopez kay Jordanian pug Odai Riyad Adel Alhindawi sa middleweight,1-2.
Naghatid pa ng bronze medal si taekwondo jin Benjamin Keith Sembrano sa men’s -74kg.
Sa kabuuan, ang Pilipinas ay mayroon isang ginto, dalawang pilak at walong bronze medals.
Wala pa ring suwerte ang taekwondo jins nang isang bronze uli ang naiambag ni Benjamin Keith Sembrano kahapon sa Ganghwa Dolmens gymnasium.
Hindi nabutasan ni Sembrano ang matibay na depensa ni Jiannan Huang ng China na nagtala ng 13-6 win by point gap sa men -68k.
Ang iba pang bronze medalists ay sina Samuel Morrison (men -74kg), Mary Anjelay Pelaez (women -46kg) at Levita Ronna Ilao (women -49kg).
Magtatapos ang kompetisyon ngayon at ang inaasahang makakapagdeliber ay sina John Paul Li-zardo (men -54kg), Francis Aaron Agojo (men -58kg) at Kirstie Elaine Alora (women -73kg).
Sa rugby competition, tumapos lang ang Philippine Volcanoes bilang fifth place kahit nanalo sa China.
Hindi naman nakausad si karatekas Orencio James delos Santos nang matalo kay Zheng Zhi Man ng Hong Kong, 4-1 sa kata class event ng karatedo.
Lumapag naman ang women’s bowlers sa ika-16th place sa masters event ng bowling competition.