Hagdang Bato at Pugad Lawin magtatapat sa PCSO Anniversary Race
MANILA, Philippines – Dalawang premyadong kabayo ang magtatapat uli para mapagharian ang PCSO Anniversary Race sa Oktubre 12 sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Ang Hagdang Bato ay makikipagtagisan uli sa mahusay na kabayong Pugad Lawin sa isa pang klasikong tagisan sa 1,600-metro karera na suportado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na sinahugan ng P1.5 milyong premyo.
Si Jonathan Hernandez ang didiskarte sa Hagdang Bato na tatakbo kasama ang coupled entry na El Libertado (KB Abobo) habang si Jessie Guce ang sasakay sa Pugad Lawin na makakasama ang Furniture King, sasakyan ni AB Serios.
Kasali rin ang Sky Dragon ni John Alvin Guce at That Is Mine ni RC Baldonido para makumpleto ang anim na kalahok pero apat lamang ang opisyal na bilang.
Bumalik mula sa bakasyon ang Hagdang Bato at Pugad Lawid noong Setyembre 21 sa nasabing racing club at parehong nagtala ng panalo ang dalawang kabayong ito.
Tinalo ng back-to-back Horse of the Year awardee, ang Passive habang ang Presidential Gold Cup champion na Pugad Lawin ay nanaig sa Warbird sa nilahukang mga karera.
Magpapasarap sa laban ang paglalabanang P800,000.00 unang gantimpala habang ang papangalawa hanggang papang-apat ay magkakamit ng P350,000.00, P200,000.00 at P150,000.00.
Ang labanang ito ay isa sa tatlong malalaking karera na gagawin sa araw na ito.
Ilalarga rin ang Philracom Lakambini Stakes Race na paglalabanan sa 1,800-metro at sinahugan din ng P1.5 milyong premyo habang gagawin din ang Klub Don Juan Racing Festival.
Tampok na karera ang Klub Don Juan Derby na pinasukan din ng P1.5 milyong premyo.
Ang isa pang malaking karera para sa buwan ng Oktubre ay ang 3rd Leg ng Juvenile Fillies at Colts stakes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite. (AT)
- Latest