INCHEON, South Korea – Sisikaping dagdagan ng apat na Pinoy boxers ang gintong medalya ng Pinas na galing kay BMX rider Daniel Caluag sa pagsabak sa semifinals ng boxing competition sa Asian Games na gagawin sa Seonhak Gymnasium dito.
Matapos ang isang araw na pahinga, magbabalik sa ibabaw ng lona sina Mark Anthony Barriga, Charly Suarez, Mario Fernandez at Wilfredo Lopez na taglay ang matinding determinasyon na higitan ang produksiyon ng Phl boxers noong 2010 Guangzhou Asiad na tig-isang ginto, pilak at tanso.
Unang sasalang sa aksyon si Suarez, gold medalist ng 2011 Indonesia SEA Games at naglaro ng tournament sa India kung saan kinatawan ang Italy sa World Series of Boxing, laban kay Mohammad Obada Alhasbeh ng Jordan sa 60kg.
“Ito na lang ang kailangan namin na malampasan. Makatalon lang kami ng semifinals, pwede na naming isugal lahat para manalo lang kaming lahat ng ginto,” wika ni coach Nolito Velasco. “Kapag nakuha namin itong apat na laban na ito, all out na ito para sa gold medals. Go for golds tayo.”
Mabigat naman ang susuunging laban ng Olympian na si Barriga na makikipagpalitan ng suntok sa pambato ng host country na si Jong Hun Shin sa 49kg division.
Naka-sentro naman ang atensyon ng coaching staff kay Barriga dahil palaging pinapaboran ang mga hometown bet na manalo sa kanilang mga nakasagupa sa kompetisyon.
“Mahirap na, kailangan dito laban kung laban,” dagdag pa ni Velasco.
“Handa naman ako. Sa boksing naman pantay lang ang laban sa ring,” sabi naman ni Barriga.
Haharapin ni Fernandez ang Chinese na si Jiaweil Zhang, silver medalist noong 2010 Asiad, sa 56kgs class at makikipagbasagan ng mukha si Lopez, silver medalist noong 2013 Myanmar SEA Games, kay Riyad Adel Alhindawi ng Jordan sa 75kgs class.
Kumpiyansa si PSC chairman Ricardo Garcia na siya ring Chief of Mission na makakasikwat ng ginto ang mga boxers.
“Boxing is a source of medal in international competitions. I am positive and optimistic they will live up to expectation. Let’s pray for their success,” wika ni Garcia.