MANILA, Philippines – Hindi nasayang ang pagtayo bilang punong abala ng Great Britain sa 2014 World Cup of Pool nang ang mga lahok na sina Darren Appleton at Karl Boyes ang hinirang bilang kampeon matapos ang kapana-panabik na 10-9 panalo kina Niels Feijen at Nick Van Den Berg ng Holland noong Linggo sa Mountbatten Centre sa Portsmouth, Great Britain.
Bumangon sina Boyes at Appleton mula sa 3-6 at 7-9 iskor at nakuha nila ang panalo nang libre ang 8-ball matapos ang masamang pabandang tira ni Van Den Berg sa deci-ding 19th game.
Ito ang unang pagkakataon na nanalo sina Boyes at Appleton sa kompetisyon na sinasalihan ng 31 bansa na bumuo sa 32 koponan para masungkit ang $60,000.00 top prize.
Lalabas din na sina Boyes at Appleton na kumatawan sa England A, bilang ikalawang home team na nanalo sa sariling lugar mula nang binigyan ng buhay ang kompetis-yon noong 2006.
Ang kauna-unahang koponan na nakagawa nito ay sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante noong 2009 sa SM City North sa Quezon City.
Nakapasok sa finals sina Boyes at Appleton nang kalusin sa semifinals sina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland, 9-6 habang sina Feijen at Van Den Berg ay nangibabaw kina Albin Ouschan at Mario He ng Austria, 9-1.
Ang dating kampeon na sina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza ng Pilipinas ay uma-bot lamang ng hanggang quarterfinals bago pinagpahinga ng Finland sa 9-7 iskor. (AT)