MANILA, Philippines – Hindi man siya natututukan ng atensyon katulad ng mga kakamping sina Juneric Baloria at Earl Scottie Thompson, napapakita pa rin ni Harold Arboleda ang kanyang kahalagahan sa Perpetual Help Altas.
Sa naibulsang 76-75 panalo sa San Beda Red Lions noong nakaraang Lunes ay si Arboleda ang siyang tumayong bida para manatiling matibay ang paghahabol ng koponan ng puwesto sa Final Four.
Tumapos lamang siya taglay ang siyam na puntos, pero anim rito ay ginawa sa huling yugto. Tampok dito ang pagsalpak ng dalawa sa tatlong free throws na kanyang ipinasok para burahin ang 74-75 kalamangan ng four-time defending champion San Beda.
Ang ipinakitang tibay ng dibdib ni Arboleda ang naggawad sa kanya ng NCAA Press Corps ng ACCEL Quantum-3XVI Player of the Week citation at tinalo niya sa parangal na may ayuda pa ng Bactigel hand sanitizer Doctor J Mighty Alcohol at Mighty Mom Dishwashing sina Keith Agovida ng Arellano Chiefs at Jaycee Asuncion ng Jose Rizal University Heavy Bombers.
Ang magandang panalo sa Lions ay nasundan pa ng forfeiture panalo sa Emilio Aguinaldo College Generals para manatiling nakasosyo sa pang-apat na puwesto kasama ang Heavy Bombers sa 10-6 karta.
May dalawang laro pa ang koponan ni coach Aric del Rosario laban sa St. Benilde Blazers (Oktubre 1) at San Sebastian Stags (Oktubre 4) at sa patuloy na pagkinang ni Arboleda ay binibigyan ng magandang tsansa ang Altas na manalo rito para makapasok sa Final Four. (AT)