MANILA, Philippines – Lalo nang umugong ang usap-usapan na si two-time PBA grand slam coach Tim Cone na dapat ang maging national coach ng Gilas Pilipinas na na-bigong pumasok sa semifinals ng 17th Asian Games basketball competition sa Incheon, Korea.
Ngunit hindi pa man ay tinanggihan na ito ni Cone at sa katunayan ay boto pa rin siya kay Chot Reyes na ipagpatuloy ang Gilas Pilipinas program.
“I just want to say from the heart, I truly believe in @coachot (Chot Reyes) & the program. He’s the right guy & the program will bring us to next level,” sabi ni Cone sa kanyang Twitter account.
Marami na ang nagsabi noon na si Cone na dapat ang coach ng Pambansang koponan matapos ihatid ang San Mig Coffee sa titulo ng huling apat na kumperensiya ng PBA.
Nang hawakan niya ang National team noong 1998 Bangkok Asian Games, nag-uwi ng bronze medal ang ipinadalang koponan.
Lalong uminit ang usapan na palitan ni Cone si Reyes matapos masibak sa kontensiyon ang Gilas sa Asian Games kahapon.
Marami ang nagalit kay Reyes nang sisihin niya si Douthit sa pagkatalo ng Gilas kontra sa Qatar at lalo na nang hindi niya ito pinalaro sa krusyal na laban kontra sa Korea. (NB)