INCHEON, South Korea – Hindi pa dapat mawalan ng pag-asa ang mga Pinoy sa mailap na gold medal sa kasaluku-yang 17th Asian Games.
May maaasahan pang athletics at taekwondo na malakas ang loob na na-ngako ng medalya para sa Pilipinas.
Kumpiyansa ang bagong pangulo ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) na si Philip Ella Juico na mananalo ng medalya si long jumper Marestella Torres.
Sinabi ni Juico na tanging ang Olympian lamang sa kanyang koponan ang malakas ang tsansang makakuha ng gintong medalya.
Ang pinakamagandang ipinakita ni Torres ay noong 2011 Southeast Asian Games kung saan lumundag siya ng 6.71 metro.
Ito ay mas mataas kumpara sa tinalon na 6.53m ni Jun Soon-ok ng Korea para sa gold medal noong nakaraang Asian Games sa Guangzhou, China.
“We are confident with Marestella,” sabi ni Juico kay Torres.
“She has come back fully after her break due to pregnancy. She is good for a gold medal when she sees action today. And who knows, she might realize her aim of succeeding to the throne of Elma (Muros-Posadas) as the Asia’s long jump queen?”
Kagaya ni Juico, malaki rin ang tiwala ni taekwondo coach Roberto Cruz sa kanyang mga atleta para makasikwat ng medalya.
“We have not won a medal in the Asian Games. But it’s time we do,” wika ni Cruz. “Kahit makaisa kami, hindi pa kami nananalo ng gold sa Asian Games. Puro silver lang.”
Ang nasabing mga Asiad silver medals ay nagmula kina Bobby Vargas (Hiroshima, 1994), Donald Geisler (Busan, 2002) at Tsomlee Go (Qatar, 2006).
Umaasa si Cruz na makakakuha ng medalya sina featherweight Pauline Louise Cruz, lightweight Butch Morrison, middleweight Chris Uy at welterweight Al Bautista.
Ang 18-anyos na si Pauline Louise Cruz ay nanalo ng gold medal sa 2013 Asian Youth Games na idinaos sa Nanjing, China. (BRM)