Hernandez umangat na
MANILA, Philippines - Humataw si Jonathan Hernandez sa buwan ng Agosto para umangat na sa ikalawang puwesto sa pasikatan ng mga hinete sa taong ito.
Inabot ng 78 takbo ang ginawa ni Hernandez at kumabig siya ng 24 panalo para magkaroon na ng P2,770,871.65 kita matapos ang unang walong buwan.
Sa kabuan, si Hernandez na nahirang na Jockey of the Year, ay may 116 panalo, 67 segundo, 58 tersero at 39 kuwarto puwesto sa 385 takbo.
Kapos lamang si Hernandez ng isang panalo kay Jessie Guce na siya pa ring nangunguna sa talaan.
May 117 panalo si Guce pero bumawi siya sa pagkakaroon ng 109 segundo, 104 tersero at 99 kuwarto puwesto sa nangungunang 715 sakay para sa P3,045,752.97 kabuuang premyo.
Si Mark Alvarez na nasa ikalawang puwesto noong nakaraang buwan ay bumaba sa ikatlong puwesto tangan ang P2,635,062.72 sa 111 panalo, 102 segundo, 75 tersero at 73 kuwarto puwesto matapos ang 646 takbo.
Nasa ikaapat si Fernando Raquel Jr. bago pumasok si Pat Dilema.
May P2,608,837.72 premyo si Raquel sa 482 karera bitbit ang 125-70-58-56 una hanggang ikaapat na puwestong pagtatapos habang si Dilema ay may P1,889,484.26 sa 399 sakay at 90-63-57-47 karta.
Ang iba pang mga hinete na nasa ikaanim hanggang ika-sampung puwesto ay sina John Alvin Guce sa P1,523,803.21 sa 188 takbo (38-41-23-26), Kevin Abobo sa P1,492,574.35 sa 354 takbo (59-68-58-51), Jordan Cordova sa P1,310,697.91 sa 340 takbo (69-44-39-20), Dominador Borbe Jr. sa P1,204,605.95 sa 353 takbo (46-50-47-43) at JD Juco sa P1,126,134.06 sa 315 takbo (41-57-59-39). (AT)
- Latest