Kung walang upset na mangyayari, mukhang maisasakatuparan ang inaasahang Final Four sa 17th Asian Games basketball competition na kapalolooban ng defending champion China, host Korea, 2013 FIBA Asia Championship finalists Iran at Gilas Pilipinas.
Siguradong maghihiwalay ng bracket ang Iran at Gilas Pilipinas sa quarterfinals. Mapapasama ang isa sa kanila sa grupo ng China at mapapabilang naman ang isa sa grupo ng Korea.
Humugot na rin ng ticket patungo sa Final Eight ang Qatar at Japan sa Group F samantalang mukhang makakatuloy sa quarterfinals mula sa qualifying round ang Kazakhstan at Mongolia.
Hahatiin sa dalawang grupo ang walong koponan na matitira pagkatapos ng preliminary round.
Hindi uli magkakasama sa isang grupo ang China, Korea, Iran at Gilas Pilipinas sa quarters kaya’t inaasahan silang magkikita-kita sa blockbuster crossover semifinals na nakatakda sa Oct. 1.
Malaki ang pananalig ng PBA board of governors na mararating ng Gilas Pilipinas ang medal round kaya naman Sept. 29 na nila itinakda ang kanilang pagpunta sa Incheon, Korea.
Doon nila itinakda ang kanilang planning session para sa parating na PBA Season 40. Kasabay noon ang kanilang pagsuporta sa mga importanteng laro ng Gilas sa Asian Games.
Kapag hindi mangyari ang inaasahan, consolation matches ang aabutin ng liderato ng PBA sa Korea.
Matapos ang isang araw na pahinga noong Martes, apat na diretsong laban ang lalaruin ng Gilas, kasama na ang tatlong quarterfinal matches na magtatakda kung ano ang mararating ng koponan sa 17th Asiad.
Malaki ang kumpiyansa ko na patok na tatapos at least second sa kanilang quarters group ang Gilas Pilipinas at ito ay maghahatid sa kanila sa Final Four.
Sa huli, tingin ko, ang Gilas Pilipinas, Iran at Korea ay may mas malaking tsansa kaysa sa China na umabot sa gold-medal game.
Hindi kalakasan ang China sa kasalukuyan dahil sa complete overhaul ng kanilang koponan pagkatapos ng 2013 FIBA Asia Championship sa MOA Arena.
Hindi na nila pinagbigyan makabawi ang legendary Greek coach na si Panagiotis Giannakis pagkatapos ng Manila meet na sinibak agad pagbalik nila sa Beijing.