MANILA, Philippines - Walang hirap na ookupahan ng Perpetual Help Altas ang mahalagang ikaapat na puwesto sa 90th NCAA men’s basketball.
Kalaro ngayon ng Altas ang Emilio Aguinaldo College Generals sa ganap na ika-11 ng umaga pero igagawad na sa tropa ni coach Aric del Rosario ang panalo dahil hindi makakabuo ng limang manlalaro ang katunggali.
Hindi lamang ang la-rong ito kungdi kahit ang huling asignatura sa liga laban sa San Sebastian sa Setyembre 29 ay hindi na nila mahaharap dahil hindi na makakakumpleto ng limang players.
Matatandaan na sinuspindi ng Management Committee (Mancom) ang siyam na manlalaro ng Generals matapos makipagrambulan sa Mapua Cardinals noong Lunes.
Pinatawan din ng kaparusahan ang walong manlalaro ng Cardinals sa pangyayari.
Ang mga suspindido sa EAC ay sina John Ta-yongtong (5-laro), Jan Mamon (3) Ariel Aguilar (3), Jack Arquero (3), Sydney Onwubere (3), John Santos (2), Manelle Quilanita (2), Edsel Saludo (2) at Faustine Pascual (1).
Nauna nang nawala sa EAC sina Noube Happi at Igee King para maiwanan na lamang ng apat na players na sina Jerald Serrano, Christ Mejos, Al Indin at Jozhua General.
Magandang balita ito para sa Altas na aangat sa 10-6 baraha para iwan pansamantala ang kasalo sa mahalagang ikaapat na puwesto na host Jose Rizal University Heavy Bombers.
Ang panalo rin ng Altas ang siyang tumapos sa kampanya ng Letran Knights at Lyceum Pirates na ang pinakamagandang pagtatapos ay hanggang siyam na panalo lamang kung mawawalis ang nalalabing tatlong laro.
Ang Pirates ay sasalang kontra sa Stags sa ikalawang laro dakong ala-una ng hapon na isa nang no-bearing game.
Kasabay nito ay nagbabalak din ang Cardinals na i-forfeit ang laro sa Lunes laban sa Letran dahil malabo rin silang makabuo ng limang manlalaro.
Matapos ang Letran, sunod na kalaro ng Cardinals at Heavy Bombers at St. Benilde Blazers na parehong palaban pa ng puwesto sa semifinals..