Patuloy sa paghahanap ng ginto ang Pinas
INCHEON, South Korea -- Walang naging ingay ang kampanya ng mga Pinoy Athletes sa 17th Asian Games kahapon maliban sa mga panalo ng mga boxers.
Nadagdagan ang pag-asa ng Pinas sa gintong medalya sa boxing matapos ang tagumpay nina Ian Clark Bautista, Wilfredo Lopez at Mark Anthony Barriga.
Walang epekto ang pagkakabawas ng isang puntos kay Bautista nang angkinin nito ang tatlong rounds laban kay Abdallah Maher Mohammad Shamon ng Jordan tungo sa 3-0 panalo sa flyweight division.
Sinundan ito ng 2-1 tagumpay ni Wilfredo Lopez kay Aziz Achilov ng Turkmenistan sa middleweight division.
Itinakas naman ni Barriga, veteran SEA Games campaigner ang 2-1 split decision laban kay Hussin Al Masri ng Syria, 30-27, 29-28, 28-29.
Una nang umabante sina Mario Fernandez at Charly Suarez sa pagbubukas ng boxing competition noong Martes.
Pinanghinayangan naman ang pagkatalo sa archery ng isang puntos lamang na sana ay nagbigay ng tsansa sa ginto.
Ang tambalan nina Paul Marlon dela Cruz, Earl Benjamin Yap at Ian Chipeco ay umusad sa semifinals sa men’s compound team pero lumasap ng masakit na 227-228 pagkatalo sa host Korean sa Gyeyang Archery field.
May tsansa mga archers na bigyan ng bronze medal ang Pinas sa pagharap sa Iran sa Huwebes.
Umusad din si Dela Cruz sa semis ng men’s compound individual nang talunin si Sandeen Kumar ng India, 141-135.
Makakalaban ni Dela Cruz sa semis sa Sabado ang sinuman sa mananalo kina Esmaeil Ebadi ng Iran at Lihong Min ng host country sa isa pang quarterfinal match.
Matapos ang ikalimang araw ng aksiyon, may dalawang silver at isang bronze medal pa rin ang Pinas mula sa wushu.
Sina taolo Daniel Parantac at sanda artist Jean Claude Saclag ang naghatid ng pilak habang ang isa pang sanda na si Francisco Solis, ang naghatid ng bronze medal.
Kinapos rin ang pambato ng bansa sa triathlon na sina Jonard Saim at Nikko Bryan Huelgas na tumapos lang ng 10th at 11th place sa pagsusumite ng mga tiyempong 1:59.00 at 1:59.17, ayon sa pagkakasunod.
Nanalo rin ang mixed doubles partners na sina Ruben Gonzales Jr. at Katharina Melissa Lehnert sa tennis.
Iran 68-- Nik Khahbahrami 21, Hadaddi 20, Kamrani 12, Arghavan 6, Yakhchalidehkordi 3, Jamshidijafarabadi 3, Afagh 2, Mashayekhi 1, Zangeneh 0, Aslami Haji Abadi 0, Sahakian 0.
Gilas Pilipinas 63 – Lee 11, Tenorio 10, Douthit 10, Norwood 9, de Ocampo 6, Pingris 5, David 4, Chan 3, Dillinger 3, Fajardo 2, Alapag 0, Aguilar 0.
Quarterscores: 29-17, 36-34, 50-53, 68-63.
- Latest