INCHEON, South Korea -- Nadagdagan pa ang aasahan na makapaghatid ng medalya sa Pinas matapos ang tagumpay ng mga boxers na isinalang kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Seonhak gym dito.
Umukit ng panalo ang tatlong Pinoy boxers na lumaban na sina Ian Bautista, Wilfredo Lopez at Mark Anthony Barriga para umusad sa round- of 16.
Gamit ang bilis sa pakikipagpalitan ng suntok, kumuha ang 19-an-yos na si Bautista ng 29-26, 29-25, 29-27 panalo kay Abdallah Maher Mohammad Shamon ng Jordan sa flyweight division para sa kanyang kauna-unahang panalo sa Asian Games.
Nabawasan pa ng isang puntos si Bautista sa second round dahil sa labis na pagyuko pero binawi niya ito sa pag-araro ng mga suntok kay Shamon.
Hindi naman na-ging madali ang labang hinarap ni Lopez at kinailangang ilabas ang karanasang nakuha sa mga malalaking laban na sinalihan para mailusot ang 29-28, 28-29, 29-28 tagumpay kay Aziz Achilov ng Turkmenistan sa middleweight class.
Sunod na kasuntukan ni Bautista, isang silver medalist sa 2011 President’s Cup sa light flyweight division, si Sangdon Choe ng Korea sa Sabado para sa puwesto sa quarterfinals.
Sa kabilang banda, si Lopez ay makikipagpalitan ng suntok kay Abdulridha Waheed ng Iraq sa second round na gagawin sa Setyembre 29.
Itinakas naman ni Barriga, veteran SEA Games campaigner ang 2-1 split decision win laban kay Hussin Al Masri ng Syria, 30-27, 29-28, 28-29.
Nauna ng umentra sa round-of-16 sina Mario Fernandez at Charly Sua-rez nang kanilang buksan ang kampanya ng mga Pinoy boxers noong Martes.