Arellano humakbang palapit sa Final 4
MANILA, Philippines - Hindi pinaporma ng Arellano U ang Letran na di nakaasa sa injured na si Kevin Racal para sa 79-70 panalo upang makalapit sa Final Four ng 90th NCAA basketball tournament na nagpatuloy sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Bumandera si John Pinto sa third quarter at nagtrabaho naman sina Keith Agovida at American Dioncee Holts sa final period para ihatid ang Chiefs sa ika-12 panalo sa kabuuang 16-laro na sumiguro sa kanila ng playoff para sa huling Final Four slot.
Kinamada ni Pinto, nakatakdang lumaro para sa Globalport sa magbubukas na PBA season, ang 10 sa kanyang 12-puntos sa third canto habang sina Agovida at Holts ay may tig-6-puntos sa kanilang 19 at 10 puntos ayon sa pagkakasunod sa final quarter.
Isang panalo na lang ang kailangan ng Arellano U sa kanilang huling 2-laro kontra sa four-peat champion San Beda sa Oct. 4 at Lyceum sa Oct. 8 para makarating sa Final Four sa unang pagkakataon matapos ang limang season.
Hindi nakalaro si Racal dahil napunit ang kanyang ACL (anterior cruciate ligament) sa kanilang practice.
“We just came out strong in the second half, that was the biggest difference,” ani Arellano coach Jerry Codiñera.
Sa ikalawang laro, nagbida si Luis Sinco sa 71-69 panalo ng College of St. Benilde kontra sa Jose Rizal upang okupahan ang solo third matapos umangat sa 10-5 panalo-talo.
Pinakawalan ni Sinco ang 10 sa kanyang 12 points sa fourth quarter kabilang ang dalawang tres na naging daan tungo sa tagumpay ng Blazers.
Nalaglag ang Bombers sa ikaapat na puwesto katabla ang walang larong Perpetual Help Altas sa kanilang magkatulad na 9-6 records.
Arellano U 79- Agovida 19, Pinto 12, Jalalon 10, Holts 10, Ciriacruz 8, Hernandez 6, Palma 4, Caperal 4, Gumaru 2, Salcedo 2, Bangga 1, Enriquez 1, Nicholls 0, Ortega 0.
Letran 70- Ruaya 20, Cruz 10, Gabawan 9, Quinto 7, Luib 6, Saldua 5, Calvo 3, Tambeling 3, Nambatac 3, Castro 2, Publico 2, Apreku 0, Singontiko 0.
Quarterscores: 11-23, 33-40; 58-all; 79-70.
St. Benilde 71- Taha 16, Romero 14, Sinco 12, Saavedra 9, Grey 9, Ongteco 8, Altamirano 3, Jonson 0, Nayve 0, Pajarillaga 0, Bartolo 0.
Jose Rizal 69- Paniamogan 19, Teodoro 10, Mabulac 10, Sanchez 9, Abdul Wahab 8, Grospe 6, Benavides 6, Lasquety 1, Salaveria 0, Asuncion 0.
Quarterscores: 14-16; 35-37; 48-56; 71-69.
- Latest