MANILA, Philippines - Tatlong malalaking karera, dalawa rito ay special races para sa mga nabiktima ng bagyong Mario, ang gagawin ngayong Sabado at Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sentro ng karera sa linggong ito ay ang Philracom Chairman’s Cup sa Setyembre 28 na lalahukan ng siyam na kabayo, kasama ang dalawang coupled entries at bukas sa mga edad tatlong taon gulang na kabayo.
Ang mga kasali ay pangungunahan ng stable mates na Kanlaon at King Bull bukod sa coupled entries na Tap Dance at Marinx.
Kukumpletuhin ang mga kalahok ng mga kabayong Low Profile, Barcelona, Manalig Ka, Think Twice at Messi.
Inilagay ang tagisan sa 1,600-metro distansya at ang karera ay inialay kay dating Philippine Racing Commission chairman Benedicto Kalaw Katigbak.
Inaasahang magbabalikatan ang mga kabayo na lahok ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos na Kanlaon at King Bull, ang Marinx at Low Profile base sa ipinakita sa huling mga takbo, kasama ang pagsali sa Triple Crown.
Ang Chairman’s Cup ang huling malaking stakes race sa buwan ng Setyembre matapos ang Juvenile Fillies at Colts race.
Bago ito ay magdaraos muna ang komisyon ng karera para sa mga nabiktima ng habagat na hatid ng bagyong Mario.
Halagang P500,000.00 ang kabuuang premyo na inilaan ng Philracom at hahatiin sa dalawang karera para sa two-year old at three year old horses.
Ito ay gagawin katuwang ang Philippine Red Cross at bukas ito para sa mga non-winner, non-placer at maiden horses. (AT)