MANILA, Philippines – Kinapitan ng FEU Tamaraws ang kanilang matibay na determinasyon para magkaroon ng sagot sa puntong nasa La Salle Green Archers na ang momentum sa kinuhang 65-60 panalo sa playoff ng 77th UAAP men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Gumawa si Mike Tolomia ng 19 puntos at apat dito ay pinakawalan sa 7-0 endgame run upang hawakan ng tropa ni coach Nash Racela ang mahalagang twice-to-beat advantage sa Final Four kontra sa nagdedepensang kampeong Archers.
Nagkaroon ng playoff dahil nagsalo sa pangalawang puwesto ang dalawang nabanggit na koponan sa 10-4 baraha.
“If you want to succeed in life, you have to persevere regardless kung ano ang nasa harap namin. It wasn’t easy defeating La Salle, ang hirap talaga. But good thing our players are really persevering especially noong nag-struggle kami sa se-cond half,” wika ni Racela na 3-0 ngayon season kontra sa La Salle.
Kontrolado ng FEU ang laban at lumamang sila ng hanggang 14 sa first half at angat pa ng 12, 43-31, sa kalagitnaan ng ikatlong yugto.
Pero bumangon ang Archers at si Almond Vosotros ay nagpakawala ng apat na triples, tatlo rito ay sa 19-7 palitan upang magtabla ang dalawang koponan sa 50-all.
Ang buzzer-beating triple ni Tolomia ang nagbigay pa ng kalamangan sa FEU papasok sa hu-ling yugto, 53-50, ngunit mainit pa rin ang Archers at ang atake ni Arnold Van Opstal ang nagbigay ng 60-58 bentahe sa huling 3:20 ng laro.
Ngunit naroroon pa rin si Tolomia na itinabla ang iskor sa lay-up laban kay Van Opstal bago ang split ang nagpalamang uli sa FEU.
Hindi na nakapuntos pa ang La Salle dahil sina Van Opstal at Jeron Teng ay naghatid ng magkasunod na turnovers habang si Vosotros ay sumablay sa krusyal na 3-pointer sa puntong angat lang ng tatlo ang FEU.
Si Mark Belo ay may double-double na 15 puntos at 10 rebounds pa para sa FEU na kailangan na lamang na manalo sa Setyembre 27 upang umabante sa Finals.
“Wala kaming anumang advantage dahil twice-to-beat lang ang hawak namin. We’re happy we won this game but again, malayo pa,” dagdag pa ni Racela. (AT)