MANILA, Philippines - Dahil may mga lugar pa na apektado dulot ng epek-to ng Habagat na hatid ng bagyong Mario noong Biyernes, ipinagpaliban na rin ng NCAA Management Committee ang double header kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda sana ang pagtutuos ng Arellano University Chiefs at Lyceum Pirates sa juniors at seniors divisions.
“NCAA games (basketball and chess) scheduled September 20, 2014 are postponed due to Tropical Strom Mario and its aftermath,” wika ni Mancom chairman Paul Supan ng host Jose Rizal University.
Lumalabas na tatlong playdates sa basketball ang hindi natuloy sa linggong ito bunga ng pagpasok ng mga bagyo sa bansa.
Kinansela noong Lunes ang mga laro dahil sa pagdating ng bagyong Luis habang ang mga aksyon noong Biyernes at kahapon ay dahil sa typhoon Mario.
Magbabalik ang laro bukas at tampok na laro ang pagkikita ng nangungunang koponan na San Beda Red Lions at Perpetual Help Altas sa ganap na ika-2 ng hapon. Ang pangalawang laro ay sa hanay ng mga talsik nang koponan ng Mapua Cardinals at Emilio Aguinaldo College.
Kasabay nito ay inanunsyo naman ni NCAA Table Tennis tournament chairman Col. Antonio “Jeff” D.L. Tamayo na ang mga naudlot na laban para kahapon ay gagawin sa Lunes sa Ninoy Aquino Stadium. (AT)