MANILA, Philippines - Halos tatlong milyong piso ang naipasok ng mga kabayong pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos para mabalik sa liderato sa palakihan ng kinita sa hanay ng mga horse owners.
May 11 panalo ang naitala ng mga ipinanlaban ng batikang horse owner sa buwan ng Agosto.
Tampok dito ang pamamayagpag ng Malaya sa nakaraang Lakambini Stake Race.
Bunga ng nasabing masiglang kampanya, si Abalos ang naging kauna-unahang horse owner na pumasok sa P9-million mark.
Ito ay mula sa kanyang kinitang P9,037,387.69.
May kabuuang 34 panalo bukod pa sa 39 segundo, 21 tersero at 14 kuwarto puwesto ang mga lahok ni Abalos matapos ang walong buwan sa taong 2014.
Si Atty. Narciso Morales na siyang nanguna noong nakaraang buwan ay bumaba sa ikalawang puwesto nang dalawang kabayo lamang ang pinalad na manalo.
Tangan ang 55 panalo, 54 segundo, 51 tersero at 47 kuwarto puwestong pagtatapos, si Morales ay kumabig ng P8,269,360.52 premyo.
Si Patrick Uy na may tangan ng pinakamaraming panalo sa mga may-ari ng pangarerang kabayo na 62 ay bumaba mula sa pangalawa patungo sa pangatlong puwesto.
May P8,139,499.34 gantimpala si Uy matapos magtala ng 32 segundo, 37 tersero at 50 kuwarto puwesto.
Ang dating nanguna rin na Jade Bros. Farm ang nasa ikaapat na puwesto sa P7,820,191.42 mula sa 54-43-32-47 baraha.
Si Ruben Dimacuha ang nasa ika-limang puwesto sa P7,250,211.89 premyo sa 49-31-23-21 una hanggang ikaapat na puwestong pagtatapos.
Ang Triple Crown owner na si Emmanuel Santos ang nasa ika-walo sa kanyang P5,539,211.29 (14-7-8-11), si Antonio Tan Jr. ang nasa ika-siyam sa P5,477,215.86 (26-21-18-28) at si Leonardo ‘Sandy’ Javier Jr. ang nasa ika-10 puwesto sa P5,453,197.79 (31-22-29-27).
Ang nagdedepensang Horse Owner of the Year na si Hermie Esguerra ang nasa ika-11 puwesto bitbit ang P5,272,918,74 sa 34-20-17-6 karta. (ATan)