MANILA, Philippines - Pag-aagawan ng National University at ng University of the East ang No. 4 berth sa Final Four sa kanilang playoff match ngayong alas-4 ng hapon sa 77th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtapos na may magkatulad na 9-5 baraha ang Bulldogs at ang Red Warriors matapos ang elimination round.
Ang mananalo sa pagitan ng NU at UE ang kukuha sa No. 4 seat at lalabanan ng No. 1 Ateneo De Manila University sa Final Four.
Ang No. 1 at No. 2 teams ang magbibitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa semifinals laban sa No. 4 at No. 3 squads, ayon sa pagkakasunod.
Pag-aagawan naman ng nagdedepensang De La Salle University at ng Far Eastern University ang No. 2 spot bukas sa Big Dome.
Habang isinusulat ito ay wala pang desisyon ang UAAP Board kung kakanselahin ang laro ngayong hapon dahil sa paghagupit ng bagyong ‘Mario’ sa Metro Manila.
Nabigo ang Bulldogs na maibulsa ang No. 4 berth matapos yumukod sa Green Archers, 56-68, noong nakaraang Sabado.
Giniba naman ng Red Warriors ang talsik nang University of Santo Tomas Tigers, 78-73, noong nakaraang Martes para makakuha ng playoff.
Kasalukuyang sumasakay ang Red Warriors sa isang five-game winning streak.
Sina scoring guard Roi Sumang, Bong Galanza at 6-foot-8 Sierra Leone import Charles Mammie ang muling mangunguna para sa Recto-based cagers.
Kumpiyansa naman si NU mentor Eric Altamirano na lalaban nang sabayan ang kanyang koponan para makamit ang No. 4 seat at makatapat ang Ateneo. (ATan)