Kabayong Malaya pasok sa top 3 sa palakihan ng premyo

MANILA, Philippines - Malaking tulong sa kabayong Malaya ang panalo sa Lakambini Stakes Race noong Agosto 31 para umangat sa ikatlong puwesto sa palakihan ng premyong napanalunan matapos ang buwan ng Agosto.

Kumabig ang Malaya na pag-aari ni Mandalu­yong City Mayor Benhur Abalos ng P720,000.00 premyo sa pagdodomina sa huling stakes race upang mula sa labas ng Top Ten matapos ang buwan ng Hulyo ay nasa ikatlo na ang kabayo sa P2,798,319.34.

May pitong panalo at tig-isang pangalawa at pangatlong puwestong pagtatapos ang Malaya.

Nakabakasyon ang Triple Crown champion Kid Molave pero una pa rin ito sa kanyang hanay sa P5,534,089.04 mula sa apat na panalo habang ang Pugad Lawin ang nananatiling nasa ikalawang puwesto ta­ngan ang P3,115,799.51 mula sa tatlong panalo, isang tersero at dalawang kuwarto puwestong pagtatapos.

Ang mga stablemate ng Malaya na Hagdang Bato at King Bull ang nasa ikaapat at limang puwesto.

May P2,299,374.34 premyong napanalunan ang back-to-back Horse of the Year awardee na Hagdang Bato sa apat na panalo at isang segundo karta habang ang King Bull na may apat na panalo, apat na segundo at isang tersero puwestong pagtatapos ay may P1,834,260.34 premyo.

Nasa ikaanim na puwesto ang Low Profile sa P1,809,945.88 mula sa apat na panalo, dalawang segundo at isang tersero puwesto habang ang Karapatan na may pinakamaraming panalo sa mga pangarerang kabayo sa 12 bukod sa isang segundo ay may P1,722,232.73 para sa ikapitong puwesto.

Ang Super Charge na may P1,622,228.74 (9-7-1-0), Penrith na may P1,620,138.94 (9-1-2-1) at Don Albertini na may P1,595,783.37 (7-7-0-1) ang kumumpleto sa u­nang sampung puwesto. (AT)

Show comments