MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang IBO light flyweight champion na si Rey Loreto na maipakita ang kanyang husay sa harap ng mga kababayan sa pagsalang niya sa isang tune-up fight sa Oktubre 11 sa Davao City Recreational Center sa Davao City.
Noong Pebrero 1 ay naidagdag si Loreto sa hanay ng mga world boxing champions ng Pilipinas nang pinatulog si Nkosinathi Joyi ng South Africa para angkinin ang bakanteng titulo.
Makakalaban ni Loreto si Heri Amol ng Indonesia na siyang main event sa fight card na handog ni dating North Cotabato Mayor at boxing promoter Manny Piñol at tinawag na ‘Clash of the little Titans’.
“Ito ay isang tune-up fight ni Loreto bago ang rematch nila ni Joyi sa South Africa sa December 12. Mahusay na boxer si Loreto at naniniwala ako na masisiyahan ang mga manonood,” wika ni Piñol nang maging bisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Makakasama sa card ni Loreto ang dating IBO flyweight champion na si Edrin Dapudong at Denver Cuello.
Si Dapudong ay mapapalaban kay Wisanlek Sithsaithong ng Thailand, habang si Cuello na nagbabalik matapos mamahinga sa loob ng isang taon dahil sa injury sa balikat ay masusukat kay Jaipeth Saksongym ng Thailand.
“Ang tatlong ito ay may pinaghahandaang mga malalaking laban matapos ito. Si Rey ay may rematch sa December, si Edrin ay mapapalaban sa world title sa first quarter ng 2015, habang sa second quarter next year maaaring mapalaban sa world title si Cuello. So kailangan nilang makakuha ng impressive wins para matuloy ito,” dagdag ni Piñol na sinamahan din sa sesyon ng tatlong boxers bukod pa sa mga boxing promoters na sina Aljoe Jaro at Brigo Sandig.
Nangako si Loreto na pasisiyahin niya ang mga manonood lalo pa’t ang laban ay gagawin sa kanyang lugar dahil siya ay tubong Davao Del Sur.
Katuwang ni Piñol sa paglatag sa fight card na ito ang Sonshine Media Network International sa pangunguna ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Pinangungunahan din ng pastor ang pagpapatayo ng King Dome sa Sasa, Davao City na ayon kay Piñol ay isang 70,000-seater cathedral.