MANILA, Philippines - Ang unang upuan sa Final Four ang tatargetin ng four-time defending champions na San Beda College, habang magpapatatag naman ang Arellano University sa second round sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Haharapin ng San Beda ang Lyceum sa unang laro sa alas-2 ng hapon, habang sasagupain ng Arellano ang Emilio Aguinaldo College sa alas-4 ng hapon.
Nagsosolo sa itaas ang Red Lions sa kanilang 12-2 baraha at paborito sila sa Pirates na kanilang tinalo noong Hulyo 9, 84-68.
Pero hindi dapat magpabaya ang tropa ni coach Boyet Fernandez dahil ang Pirates ay nangangailangan na manalo para manatiling buhay pa ang kanilang paghahabol ng upuan sa Final Four.
Sa 6-8 karta at kasalo ang Letran Knights, dapat na walisin ng Pirates ang nalalabing apat nilang laro para gumanda ang kanilang pag-asang makakuha ng playoff.
Galing sa 91-75 panalo ang tropa ni head coach Bonnie Tan kontra sa Generals sa huling laro na puwede nilang sandalan para sa mahalagang kumpiyansa sa larong ito.
“Mahirap pero may chance pa. We just have to give our best,” wika ni Tan sa kanilang pagharap sa San Beda.
Pigilan si Nigerian import Ola Adeogun ang una sa kanilang listahan para magkaroon ng tsansang talunin ang Red Lions na balak kunin ang ikaanim na sunod na panalo.
Wala namang nakikitang problema sa hangarin ng Chiefs na lumapit sa isang hakbang patungo sa playoff dahil ang Generals ay may limang sunod na kabiguan para tuluyan nang maalis sa tagisan sa Final Four. (ATan)