MANILA, Philippines - Bagama’t sinabi na kamakailan ni Floyd Mayweather, Jr. na handa na siyang harapin si Manny Pacquiao kung may mgandang pagkakataon, hindi pa rin naniniwala si ‘Pacman’.
“Puro salita lang,” wika ni Pacquiao sa panayam ng ABS-CBN News SOKSARGEN hinggil sa naunang pahayag ni Mayweather.
“Kailangan gawin niya. Huwag puro salita. Madaming dahilan eh,” dagdag pa ng Filipino world eight-division champion.
Tatlong beses bumagsak ang negosasyon para sa kanilang super-fight mula sa pagsailalim sa Olympic style random blood at drug testing hanggang sa hatian sa premyo.
“You can ask the same questions and get the same answers. I call my own shots,” sabi ni Mayweather (47-0-0, 26 KOs).
Sinabi ng 35-anyos na si Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) na handa siyang sumailalim sa anumang random blood at drug testing pati na ang porsiyento sa hatian nila ng premyo ng 37-anyos na si Mayweather.
Kamakailan ay ibinunyag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na may nangyayaring negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather showdown sa 2015.
Ngunit bago ang kanyang panalo kay Marcos Maidana ay pinabulaanan ito ni Mayweather.
“Dine-deny nga niya na walang negotiations eh, so mahirap 'yun,” sabi ng Sarangani Congressman.
Nakatakdang labanan ni Pacquiao si American challenger Chris Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Idedepensa ng 5-foot-6 na si Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organiztion (WBO) welterweight crown kontra sa 5’10 na si Algieri.