‘Di na masama ang ipinakita ng Gilas sa FIBA World Cup
MANILA, Philippines – Tumapos ang Gilas Pilipinas bilang pang-21 sa itaas ng Finland, Korea at Egypt sa pagtatapos ng 2014 FIBA World Cup na dinomina ng United States matapos ang 129-92 paggiba sa Serbia sa Madrid.
Kapwa nagtala ng magkakatulad na 1-4 record ang Puerto Rico, Iran, Pilipinas at Finland ngunit mas na-ngibabaw ang Puerto Ricans (19th) at Iranians (20th) kasunod ang mga Pinoy at Finnish sa rankings dahil sa mas maganda nilang inilaro sa group plays.
Ang Puerto Rico at Iran ay mga fifth-placers sa Group C at A, ayon sa pagkakasunod.
Nakasama ng France ang USA at Serbia sa podium bilang winner ng bronze-medal match nila ng Lithuania.
Ang kumumpleto sa final ranking ay ang host Spain bilang No. 4 kasunod ang Brazil, Slovenia, Turkey, Greece, Croatia, Argentina, Australia, Dominican Republic, Mexico, New Zealand, Senegal, Angola, Ukraine, Puerto Rico, Iran, Pilipinas, Finland, Korea at Egypt.
Sa average points ay pumuwesto ang Pilipinas bilang ika-13 mula sa kanilang 76.6 points per game kasunod ang Angola (75), Mexico (72.2), Turkey (70.1), New Zealand (69.7), Iran (68.8), Ukraine (68.8), Finland (68.4), Dominican Republic (68), Senegal (67.3), Korea (63.2) at Egypt (62.2).
Bumandera naman si Gilas naturalized player Andray Blatche sa individual stats nang manguna sa efficiency at rebounds ladder at tumabla kay Croatian Bojan Bogdanovic sa ikalawang puwesto sa scoring.
Nagposte si Blatche ng 22.4 efficiency points per game sa likod ng kanyang 21.2 points at 13.8 rebounds.
Kung nakapasok ang Gilas sa knockout stage ay posibleng nakasama si Blatche sa Mythical Selection na binubuo nina MVP winner Kyrie Irving ng USA, Milos Teodosic ng Serbia, Nic Batum ng France, Kenneth Faried ng Team USA at Pau Gasol ng Spain.
Nagtala si Irving ng averages na 12.1 points, 3.6 assists at 1.9 steals bukod pa sa kanyang impresibong 61 percent shooting sa three-point land.
Naglista siya ng 26 points at 4 assists sa finals game ng USA laban sa Serbia.
Sumunod kay Blatche sina Gasol (21.7) Hamed Haddadi ng Iran (20.2), Yanick Moreira ng Angola (20.2), Jonas Valanciunas ng Lithuania (19.8), Gorgui Dieng ng Senegal (19.5), Gustavo Ayon ng Mexico (19.2) at Luis Scola ng Argentina (19.2).
Nanguna si Blatche sa rebounding sa kanyang 12.4 at 1.4 defensive at tournament-best na 13.8 per game.
Nasa ilalim ni Blatche sina Haddadi (11.4), Dieng (10.7), Greek Giannis Bourousis (9.2), Scola (8.5), Valanciunas (8.4), Omar Asik ng Turkey (8.4), Moreira (8.2) at Brazilian Anderson Varejao (8.0).
Sa scoring, pumangalawa si Blatche kay Puerto Rican guard JJ Barea na may average na 22.0 points.
Katabla ni Blatche si Bogdarovic (21.2) kasunod sina Gasol (20), Scola (19.5) at Haddadi (18.8).
- Latest