Spicy Time dinomina ang Japan Racing Cup
MANILA, Philippines – Dinomina ng Spicy Time ang 2014 Japan Racing Association Cup na pinaglabanan kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang class B jockey na si RR Camañero ang siyang dumiskarte sa dalawang taon colt na nasa magandang kondisyon para pangibabawan ang 1,200-metro distansyang karera.
Napalabas ni Camañero ang bangis ng kabayong pag-aari ng Stornbred Farm Inc. at iniwang nagkukumahog ang anim na nakalaban pagsapit ng far turn.
Sa rekta ay lalo pang nag-init ang nangungunang kabayo tungo sa hugandong tagumpay.
Ang Taal Volcano na diniskartehan ni JPA Guce ang pumangalawa bago sumunod ang napaborang Polonius Advice ni Jessie Guce.
Kumumpleto sa datingan ang Wafu The King sa pagrenda ni Fernando Raquel Jr.
Suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom) at Philippine Racing Club Inc. (PRCI), ang handlers ng Spicy Time ay kumabig ng P300,000.00 unang premyo mula sa P500,000.00 pot.
Ang pumangalawa ay may P112,500.00 habang P62,500.00 at P25,000.00 ang naiuwi ng kumumpleto sa datingan. (AT)
- Latest