MANILA, Philippines – Tangka ng St. Benilde na masolo ang third place sa pakikipagharap sa mapa-nganib na Mapua habang hangad naman ng Perpetual Help na makalapit sa Final Four sa pakikipagsagupa sa San Sebastian ngayon sa 90th NCAA basketball tournament na magpapatuloy The Arena sa San Juan City.
Tinalo ng Blazers ang Arellano U. Chiefs, 106-97, noong Sept. 6 para makisalo sa third spot sa Jose Rizal Bombers sa 9-5 (win-loss) records at ang panalo sa Cardinals ngayong alas-2:00 ng hapon ang magbibigay sa kanila ng solo No. 3.
Nangunguna ang San Beda sa 12-2 slate kasunod ang Arellano U na may 10-4 card.
Alam ni St. Benilde coach Gabby Velasco na hindi magiging madaling kalaban ang Mapua matapos ang magandang ipinapakita sa kanilang mga huling laro.
Sa katunayan ay manggagaling ang Cardinals sa impresibong 91-81 upset kontra sa Perpetual Help Altas noong Miyerkules na nagpaganda ng kanilang record sa 4-10 marka.
Ang apat na panalo ng Mapua ay humigit sa tatlo nilang tagumpay noong nakaraang season.
“Mapua is far better team than how they played in the first round so we’re expecting to be tough when we play them,” sabi ni Velasco.
Tangka naman ng Perpetual Help na makabawi sa masaklap na pagkatalo laban sa Mapua sa pakiki-pagharap sa kulelat na San Sebastian (3-11) sa alas-4:00 ng hapon.
Ang Altas ay kasalukuyang nasa ikalimang puwesto sa 8-6 record at ang panalo ay magpapalakas ng kanilang tsansang makapasok sa top four.
“It’s painful loss but we have to move on and win our remaining games,” sabi ni Perpetual Help coach Aric del Rosario.