NU pep squad pa rin
MANILA, Philippines – Hindi nakitaan ng pagkakamali ang National University Pep Squad sa kanilang routine upang mapanatili sa kanilang poder ang titulo sa UAAP Cheerdance Competition kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakakolekta ang NU ng nangungunang 677.5 puntos para maging ikatlong koponan lamang na naka-back-to-back sa kompetisyong sinimulan noong 1994.
Ang UP Pep Squad at UST Salinggawi Dance Troupe ang nalagay sa ikalawa at ikatlong puwesto tangan ang 658 at 625 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanatili ang UP at UST na mayroong tig-walong titulo.
Bago ang panalo ay nagkaroon ng mga problema sa injuries at eligibility ang NU kayat matamis ang nakuhang tagumpay.
Kasamang nagdiwang ng NU ang FEU na nagkampeon sa Group Stunts bitbit ang 258.5puntos.
Ang UST ang puma-ngalawa sa 251 bago sumunod ang NU sa 239.5 puntos.
Ang NU ang nagdedepensang kampeon din ng dibisyon ngunit di masyadong masakit ang kabiguan bunga ng panalo sa cheerdance.
Ang tagumpay ng NU Pep Squad ay nagkaloob sa kanila ng premyong P340,000.
Muling dinagsa ang Big Dome ng mga cheerdance fans kung saan mahigit 21,000 ang nanood ng kompetisyon. (AT)
- Latest