MANILA, Philippines – Naisama na sa hanay ng makapangyaring FIBA Central Board si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pangilinan nang iniluklok siya sa puwesto sa isinagawang pagpupulong kamakalawa sa Madrid, Spain.
Ang kauna-unahang pagpupulong ng Central Board sa ilalim ng bagong FIBA president na si Horacio Muratore ay nakitaan din ng pagkapasok ng dalawa pang Filipino basketball officials na sina Dr. Raul Canlas at Atty. Aga Francisco sa Medical at Legal Commissions.
“Finished FIBA Central Board. Took over 3 hours. Got elected. Doc Canlas to Medical Commission. Atty. Aga Francisco to Legal Commission,” tweet ni Pangilinan.
Pinuri rin niya ang pamamahala sa pagpupulong si Muratore na makakasama si Patrick Baumann na magpatakbo sa FIBA.
Noong Agosto 28 nag-eleksyon ang FIBA kasabay ng World Congress sa Seville at pinalitan ni Moratore ang dating FIBA head na si Yvan Mainini habang si Baumann na kasapi rin ng International Olympic Committee (IOC) ay nanatili sa puwesto.
Dumalo si Pangilinan sa Congress dahil naglaro ang Pilipinas sa FIBA World Cup at dito ipinaabot nina Muratore at Baumann ang imbitasyon para dumalo siya sa Central Board meeting.
“Excellent meeting, full agenda. Credit goes to Messrs. Baumann & Muratore. FIBA Board a United Nations of Basketball,” pahayag pa ni Pangilinan.
Sa pag-upo ng businessman/sportsman sa FIBA ay tiyak na maisusulong ng Pilipinas na makabalik uli sa mapa ng basketball sa mundo.
Isa sa itinutulak ni Pangilinan ay ang madala ang FIBA World Cup sa Pilipinas sa 2019 at naniniwala siya na puwedeng mangyari ito lalo pa’t naipakita ng bansa ang kakayahan na mag-host ng malaking basketball event matapos ang matagumpay na FIBA Asia Men’s Championship noong 2013. (AT)